Poetry, Tagalog Poetry

DESPERADO

Desperado.
Yan ang naramdaman ko
Nitong umaga paggising
At sumagi sa isip
Lahat ng tinuran
Nang huli kang kapiling.

Desperado.
Nang sabihin kong mahal kita
Kahit alam kong di patas
Kahit alam kong di masusuklian
Kahit alam kong ako lang ang may nararamdaman.

Desperado.
Nang sabihin kong
Wala na akong pakialam
Di man tayo pareho ng dahilan.
Nang sabihin kong kailangan ko to.
Kailangan kita
Kailangan ko ang oras na kasama mo.

Desperado.
Nang sinabi kong ‘wag ka na mawala ulit
At wala akong nakuhang sagot
Kundi pagluwag ng akap
At malungkot na ngiti.

Desperado.
Nang sinabi kong tatanggapin ko ang kahit ano
Hangga’t may ibibigay ka.
Kahit ano
Basta galing sa yo.
Kahit ano
Na makakapagparamdam na meron pa rin akong parte sa buhay mo.

Desperado.
Pero pagod na ko.
Pagod na ko magpakatanga para sayo.
Pagod na ko na magsambit muli ng pagsisisihan ko.

Desperado.
Pero panahon na para unahin ko naman ang sarili ko.
Para bumitaw sa kung ano man ang meron tayo
At huminto sa paghintay ng limos galing sa puso mo.

Standard
Poetry, Tagalog Poetry

UNOS

Di ko naman kinakaila
Aminado naman ako
Na mahal kita dati
Mahal kita kahit di ko alam
Asan ka na.
Mahal kita kahit di ko alam
Kung masaya ka na.
Mahal kita kahit di ko alam
Kung minahal mo din ako.

At mahal kita ngayon
Kahit na biglaan lang ang muling paglitaw mo
Bigla
Parang unos
Natangay ako.
At mahal kita ngayon
Kahit ang gulu-gulo
Ng damdamin at isipan ko.
At mahal kita ngayon
Kahit iniisip ko kung tama ba na mahalin pa kita
O mastama na kalimutan ka.

Masmahirap kasi masmahal kita bukas
Kasi alam ko na anong pakiramdam sa tabi mo.
Masmahirap kasi masmahal kita bukas
Kasi alam ko na ano pala ang kulang sa ‘kin sa nakaraan.
Masmahirap kasi masmahal kita bukas
Kahit alam kong masasaktan lang ako
Kahit alam kong umaasa lang ako
Kahit alam kong talo ako.

Masmahirap kasi sa kabila ng lahat
Ikaw lang ang minahal ko.
Ang mamahalin ko.
Ang mahal ko.

Standard
Poetry, Tagalog Poetry

KOMPLIKADO

Noong una mo kong makilala
Alam mo nang komplikado ako
Ang ugali ko
Ang pananaw ko
Ang sitwasyon na kinalalagyan ko
Pero pinili mo na manatili sa tabi ko
Para alagaan ako
Alalayan ako
Mahalin ako sa malayo
Kahit komplikado ako.

At hinayaan kita
Dahil hindi mo lang alam
Gaano nakakalma ng presensya mo
Ang delubyo sa puso at isip ko
Hinayaan kitang mahalin ako
Sa paraang alam mo
Hindi kita itinulak
Pero ang mali ko
Hindi ko sinuklian nang sapat.

Hanggang sa naramdaman ko
Ang pagdadalawang isip
Mahal mo nga ba ako
O binibigyan ko lang ng kahulugan ang mga kilos mo?
Masaya ka ba kasama ako
O malungkot ka lang katulad ko?
Sapat nga ba ko
O kulang dahil bata umasta para sayo?
Bigla ang dami kong tanong
Pero ang mali ko
Di ako nagtanong
Lumayo lang ako
Iniwan lang kita
At ang mga sagot
Na sana pinilit kong makuha.

Sa paglipas ng mga taon
Nawalan na ako ng balita
Nawalan na ng koneksyon sa ‘yo
Nararamdaman ko na nandyan ka lang naman
Pero ni minsan hindi nakita
Hindi nakasalubong
At ramdam kong masaya ka na
Pero ang mali ko
Mahal pa rin kita
At nanaisin ko pa rin
Na makita kang masaya
Kahit na sa piling na ng iba.

Pero malakas ata ako sa Diyos
Dininig niya ang puso ko
Pinagbigyan nyang makasama kita
Mahawakan at mahagkan ka
Kahit matagal ang paghihintay
At sandaling oras lang binigay
Sapat na
Sobra sobra pa nga
Pero ang mali ko
Komplikado pa rin ako
At wala pa rin akong mabibigay sayo
At alam ko pagkatapos nito
Masasaktan ulit ako
Pero sana dinggin pa ang isang dalangin ko
Na ako pa rin ang piliin mo
Na ako na lang ang piliin mo
Kahit komplikado ako.

Standard
Poetry, Tagalog Poetry

PANAHON AT TADHANA

Ang tadhana minsan nakakapagtampo
Lalo na pag di sila nagkasundo ng panahon
Binibigay sayo ng tadhana yung taong mahal mo
At mahal ka
Pero sasabihin ng panahon hindi ngayon.

Tapos pag ung panahon naman umayon
Sasabihin ng tadhana hindi kayo dapat magtagpo
May kanya kanya kayong buhay
Na dapat nio pagdaanan
Kanya kanyang relasyon
Kanya kanyang problema
At hindi ako ayon.
Hindi ngayon.

At lilipas ang mga araw, buwan, at taon
Hahanapin mo ang mukha nya
Sa lahat ng napapadaan
Madalas
Pipilitin mong marinig ang boses nya
Sa mga kantang pinapakinggan.
Aalalahanin ang tawa nya
Ang tingin nyang malalayo
Ang mga salitang maaari niyang sabihin
Bilang sagot sa mga kwento mong madalas wala namang saysay talaga
Pero ayaw mo lang matapos yung oras niyo
Kaya itutuloy mo lang ang istorya
Hanggang buntong hininga na lang ang matitira.

Sa wakas magkakasundo ang tadhana at panahon
Ngunit pagod na kayong pareho
Sa buhay na dinaanan
Sa mga problemang nilutas at nilulutas
Sa pagtuklas ng tamang daan
Sa paglaban sa tadhana at panahon.

Ngunit sa muling pagkikita
Mararamdaman nyo na nagbago na ang lahat
Kasabay ng nararamdaman niyong parang hindi naman naglaho at natinag.
Ang bawat haplos, yakap, halik
Mas maigting ngunit may luhang kapiling
Tatanungin ninyong pilit anong nangyari
Alam niyo mang pareho ang sagot
Hindi nio na susubukang sagutin.

At sa sandaling panahon na pinagkita ulit kayo ng tadhana
Sa wakas masasambit niyo na ang totoong nararamdaman
Na di nabigkas sa dekadang lumipas
Ngunit hindi na mabibigyan ng pagkakataon ang pagmamahal
Dahil tanggap nyo na
Na hiram lamang ang lahat
Na panandalian lamang ang kasunduan
Ng panahon at tadhana.

Magpapaalam muli kayo sa isa’t isa
At susubukang muling lumaban at maghihintay
At aasa na sana
Sana sa kabila ng lahat ng napagdaanan
Na aayon na sa wakas
Ang panahon at tadhana.

Standard